Thursday, August 11, 2011

STRANGER'S PILGRIMAGE

Takbo. Lakad. Nagmamadali. Nakikipag unahan. Parang elisi na lumilipad sa kalawakan ang iyong mga hakbang. Parang trumpo ang buong ikaw na paikot ikot at nakikipagsabayan sa busina ng mga pampublikong sasakyan.


Ilang kalye na ba ang iyong nadaanan? Ilang tao na ba ang iyong nakasalamuha at naabutan ng mga kusing na nanjan sa luma mong pantalon? Ilang pagkain ang tinipid mo upang magamit sa ibang lakad ang salaping nasa kalupi mo? Ilang panyo na ba ang nabasa ng pawis o minsan ay ng luha pa? Ilang umaga na gumigising ka na pagod ang katawan? Ilang gabi ang nagdaan na naging abala ka sa pagiisip ng susunod na lalakbayin mo? Ilan na nga ba?


Wala kang inaaksayang sandali sa bawat paglalakbay. Mas madalas gising ang iyong imahinasyaon kesa ipanatag ang katawang lupa at piliting makaidlip kahit saglit habang iyong tinatahak ang mga kalye na minsan ay sobrang sikip, mabaho, mabato o minsan naman ay kaysarap daanan. Kelangan mo magmadali. Kelangan mo maabutan ang susunod na byahe. Kelangan mo maging alerto at alisto. Nanghihina ka pero ni minsan hindi nawala ang mga ngiti sa iyong labi. Oo. May mga negatibong bagay ka na nakakasabay sa iyong paglalakbay pero hindi ka nagpapatalo sa iyong nararamdaman. Ayaw mo mabigo kaya pinipilit mo maging malakas at huwag magpadala sa mga pangyayari. Nakikipagpaligsahan ka sa iyong nararamdaman. Walang lugar para sayo ang mga negatibong pananaw. Ang pagkabigo ay bahagi ng iyong paglalakbay ngunit nagpapatuloy ka pa din sa takbuhin ng iyong buhay.


Nakakapagtaka. Pinahahanga mo ako.


Kailangan mong maging matatag. Ilang ulit ka na bang nadapa sa pag abot ng iyong mga mumunting pangarap? Marami na ring beses at tulad ng paglalakbay, minsan hindi mo maiwasang mapagod. Ngunit dakila ang iyong pagkatao. Sa bawat pagkakadapa mo ay pinipilit mong bumangon. Sa bawat pagkabigo mo ay pinipilit mong bumuo ng panibagong muog na magiging panimula ulit ng iyong pangarap. Nanghihina ka pero sa bawat panghihina ay ibayong kalakasan ang pinampupuno mo. Nasa iyo ang marubdob na damdamin abutin ang mga pangarap mo na pumupukaw sa iyo sa tuwing ikaw ay nakakaisip na sumuko.


Ngunit, higit kitang hinahangaan kaibigan sapagkat nasa iyo ang pananampalataya na hindi ka nag iisa sa paglalakbay mo. Ang iyong pananalig sa ating Maykapal ay siya mong kasama sa oras na nalulungkot ka sa iyong paglalakbay. Naniniwala ka na si Hesus ang iyong sandigan. Tanging sa Kanya ka may kapahingahan. Siya ang dahilan kung bakit nagagawa mo makipagsabayan sa abala at magulong kalye. Nagagawa mo ngumiti sa kabila ng hirap ng buhay sapagkat alam mo na may Diyos ka na hindi ka iiwan ni pababayaan hanggang sa maabot mo ang pangarap mo.


Hanggang sa ngayon, inspirasyon ko pa din ang ‘yong buhay. Nakikita pa din kita na nakikipagsabayan sa madaming tao upang abutin ang iyong pangarap. Naniniwala ako na may plano sayo ang Diyos. Marahil, hindi mo nakikita sa ngayon pero alam ko may hangganan ang hirap mo sa paglalakbay. Maaabot mo din ang pangarap mo. Maaaring ngayon, bukas o sa darating pang mga araw. Mapalad ka sapagkat nagkaroon ka ng pagkakataon na maglakbay na hindi ka nag-iisa. Manalig ka lang sa Diyos.

Magsikap. Magalak. Magpatuloy ka lang.


Takbo. Lakad. Nagmamadali. Nakikipag unahan. Parang elisi na lumilipad sa kalawakan ang iyong mga hakbang. Parang trumpo ang buong ikaw na paikot ikot at nakikipagsabayan sa busina ng mga pampublikong sasakyan.


~ Buwan kasi ng wika ngaun kaya I preferred to write using our language pero english ang title ko.Anu daw yun? hehe.Sorry guys, sobrang nahirapan ako magconstruct ng tagalog sentences. Pagtyagaan nyo na lang intindihin.Kahit ako naguguluhan kase! haha.


Bottomline is: All of us are strangers on our own pilgrimage. Enjoy reading guys. God bless! Hanngang sa muli kong artikulo. Haha. :)))


ycelah_1813

8/11/11

No comments:

Post a Comment